Babae

Bago ang Babae

Mabuti na lang at sa panahong ito ako

Ipananganak na babae.

Hindi ko kailangang manahimik

Kung kailangang magsalita.

Hindi ko kailangang magsalita

Kung nais kong manahimik.

Hindi ko kailangang ipaliwanag

O hindi ipaliwanag ang bawat pagpapasiya.

Hindi ko kailangang sumunod sa inaasahan

Ng lahat, tulad ng pag-aasawa.

Kung mag-asawa man ako’y

Hindi ko kailangang magpalukob

Hindi ko kailangang matakot

Kung dumating ang araw ng pagkabalo,

O kailangan nang makipaghiwalay.

Hindi ko kailangang magkaanak nang labis

Kahit kaya kong panagutan.

Hindi ko kailangang malugmok sa lungkot

Sakali’t hindi ako magkaanak.

Kung kailangan ko mang gampanan

Ang pagiging ina at asawa,

Hindi ko kailangang humingi ng paumanhin,

Hindi ko kailangang panawan ng talino at lakas,

Hindi ko kailangang kalimutan ang lahat,

Hindi ko kaliangang itakwil ang sarili,

Hindi ko kailangang burahin

Na isa akong tao

Bago isang babae.

– Mula sa libro ng tula sa parehong pamagat ni Rebecca T. Anonuevo na ibinigay ng isang matalik na kaibigan para sa aking kaarawan.

One Response to “Babae”

  1. Carmela Says:

    Thanks for sharing this. I’m reposting it in my blog so my other girl friends can read it. :P

Leave a Reply